Latest Article Get our latest posts by subscribing this site

Alamat ng Bulkan Pinatubo

Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang umaga. Maningning ang sikat ng araw .Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga halaman sapaligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu.Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.

Malungkot na nakapanungaw ang Datu.Nakatuon ang ma paningin sa sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi. Nagbuntong-hininga nang malalim.

"Malungkot na naman kayo, mahal na Datu," narinig niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang Limay. Isa ito sa bumubuo sa "Konseho ng Matanda."

"Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay. Naalaala ko ang aking kabataan," at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.

"Nakita mo ba ang bundok na iyon?" nagtaas ng paningin ang Datu.

"Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan?" tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng "Matatanda" ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.

"Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay."

"Opo, Kayo mahal na Datu ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso," sang-ayon ni Tandang Limay.

"Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gusting-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan," at muling nagbuntung-hininga ang Datu.

"Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan," pasimula ni Tandang Limay.

"Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan," malungkot na umiling ang Datu.

Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.

Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.

Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.

May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu," saad ng salamangkero.

"Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran," turing ng Datu.

"Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya," pahayag ng panauhin.

"Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak," mabilis na pasiya ng Datu.

Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito'y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.

"Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero?" paksa ng usapan ng mga tao.

Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa naming kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.

"Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw," saad ng Datu sa salamangkero.

Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit nag alit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito'y kanyang nakaligtaan.

"Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao," sumbong ng matatanda sa Datu.

"Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya," mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.

Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.

Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.

"Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na Datu," magalang na badya niya.

"Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan," pahayag ng Datu.

"Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Tayo na sa labas."

Si Alindaya na noo'y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.

Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.

Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.

Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.

Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang mananayaw. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.

Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya'y tahimik na nakatungo.

"Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na prinsipe, nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang prinsesa nama'y nag-ukol ng matamis na ngiti.

Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga. Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.

"May sasabihin ka, Prinsipe Malakas?" tanong ng hari upang basagin ang katahimikan.

"Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang mahal na prinsesa, mahal na Datu," ang hiling ng prinsipe.

"Higit pa sa riyan ang maibibigay ko," sang-ayon ng Datu.

Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa loob ng anim na araw.

Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito'y naging isang lawa.

Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na "Lawa ni Alindaya" sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na Pinatubo.

Alamat ng Bulkan Mayon


Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga'y "Magandang Dalaga."

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.

Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya'y ang binibini'y nagtampisaw sa batis. Ang binata'y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata'y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito'y nagsalita, "Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!"

"Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!"

"Ako'y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako'y masisiyahan na!"

Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito'y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.

"Maaari bang kita'y makitang muli?"

At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.

"Isang araw," mungkahi ng lalaki, "kita'y iniibig. Tayo'y pakasal!"

"Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?" may alinlangang paliwanag. "Dapat niyang malaman!"

"Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!"

Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama't ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.

Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.

Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: "Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!"

Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya'y sumagot, "Ako'y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!"

Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga'y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.

Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan - kainan at sayawan.

Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.

"Ako'y naparito upang angkinin ang aking nobya!" sabi ni Malaya.

"Hindi maaari!" tugon ni Kauen.

Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.

Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.

Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa'y ilagak na magkasama sa isang hukay.

Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.

Alamat ng Bulkan Kanlaon

Ang mga taga-Negros sa Bisayas noong araw ay namumuhay na tiwasay at mariwasa. Ang pangalan ng kanilang hari ay Laon, isang taong may magandang kalooban. Ang mga tao roon ay nagsisigawa sa kanyang bukid at sila'y kahati sa ani.

Isang araw ay umuulan, at ang ulan ay lumakas ng lumakas hanggang sa bumaba sa bukid; anupa't ang tubig ay umapaw hanggang tuhod, at tumaas hanggang baywang, at nagpatuly ng paglaki hanggang liig.

Ang mga tao ay natigatig at naisip nila na masisira ang kanilang mga pananim.

Palibhasa'y mahal ng hari ang mga taoat naisip niyang nawala na ang aanihin huwag lamang mawala ang mga tao. Tinipon ng hari ang lahat ng kampon niya at sinabi, "Gumawa kayo ng mataas na bunton ng lupa." Sumagot ang mga kampon, "Kami po ay walang mga kasangkapan."

Iwinagayway ng hari ang kanyang birang at pagdaka'y nagkaroon na ngmga piko at pala.

Sinabi ng mga kampon, "Wala po kaming mga bato. Ang bunton po ng lupa ay kaylangan naliligiran ng mga bato."

Sa hulung wagyway ng birang ay nagkaroon na ng lahat ng kailangan.

Sa sikap at tiyaga ng mga kampon ay nagkaroon ng malaking bundok. Ang nagging taas ng taluktok ng bundok ay 6,000 talampakan. Duon sila tumahan hanggang sa humupa ang tubig. Nagpatuloy pa rin sila sa paggawa, nagsihukay sila ng bambang na tungo sa dagat upang siyang lagusan ng tubig ng sa gayon ay humupa ang tubig sa baha.

May isang malaking ahas na tumira sa bundok na yaon. Ang ahas ay may pitong ulong kakila-kilabot. Ang kulay ng mata ay luntian at ang ihinihinga ay kakatwa, na kung araw ay usok at kung gabi ay apoy.

Isang araw ay may dumating na isang binata na ang pangalan ay Kan. Siya'y makisig at mahiwaga. Nalalaman niya ang ligalig sa bayan at sinabi niya, "Papatayin ko ang ahas. Hindi ako natatakot."

Sinabi ng hari. "Patayin mo ang ahas at paglkakalooba kita ng mga gabok nag into at ang aking anak ay ipagkakaloob ko rin sayo upang maging asawa."

Inihanda ng binata ang plano sa pagpatay sa ahas. Dahil sa may kapangyarihan siya sa mga hayop, tinawag niya ang mga langgam at iniutos niya, "Magsigapang kayo sa buong katawan niya at inyong kagatin."

Tinawag niya ang mga putakti at iniutos niya sa kanila, "Pupugin ninyo ang kanyang mga mata hanggang sa mabulag."

Tinawag niya ang mga uwak at iniutos, "Inyong kamutin at tukain ang kanyang ulo at katawan hanggang sa mamatay."

Sila'y sumunod.Ang ahas ay kanilang napatay.

Pinugot ni Kan ang pitong ulo ng ahas. Ang mga ulong iyon ay inialay sa haring Laon, at mula noon ay matiwasay na namuhay muli ang mga taga-Negros. Ang binatang si Kan ay nagkamit ng yaman at napangasawa ang anak ng hari.

Inaalala ng mga taa roo ang binata at ang hari. Ang bundok ay pinangalanang Kan-Laon at ng magtagal ito'y nagging Kanlaon, bilang parangal kay Kan at Haring Laon.

Alamat ng Bayabas


Noong unang panahon, may isang Sultan na lubos na kinatatakutan ng lahat. Sobra sa lupit ang nabanggit na pinuno na tinatawag sa pangalang Sultan Barabas.

Marami na siyang pinapatay. Hindi na rin mabilang ang pinakulong niya sa piitan. Lagi at lagging nangangamba ang mga tao na sa maliliit na pagkukulang ay napakalaking parusa ang ipataw sa kanila. Matanda man o bata ay takot na takot kapag nababanggit ang pangalang Sultan Barabas. Para sa nakararami, ang Barabas ay kasingkahulugan ng kawalan ng katarungan.

Hindi lamang malupit si Sultan Barabas. May kayabangan din siya. Gusto niyang yumuyuko ang mga tao kapag ipinatatawag niya.

Nais niyang isipin ng lahat na lagi siyang nakatataas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit laging nakasubsob ang korona niya sa makinang na korona. Ang nabanggit na korona ay lagging suot niya saanman siya magpunta. Kahit sa pagtulog ay mahigpit na yakap-yakap pa rin niya ang koronang lalong nagpapayabang sa katauhan niya.

Nangunguna rin sa kasakiman si Sultan Barabas. Ang malawak na hardin niya na pinamumugaran ng iba't ibang prutas ay hindi niya pinapapasukan kaninuman. Gugustuhin pa niyang mangabulok ang mga makopa, mangga, at chesa na bunga ng mga puno kaysa sa sinumang maralitang kumamkalam na ang tiyan.

Ang kawalan ng katarungan ni Sultan Barabas ay minsan na namang napatunayan. Ayaw na ayaw ng Sultan na gabi na ay nasa lansangan pa ang sinuman sa kanyang mga nasasakupan. Isang maningisda noon ang minalas ng abutan siya ng hatinggabi sa panghuhuli ng isda. Sapagkat walang awa sa kapwa, pinadakip ni Sultan Barabas ang maningisda, at pagkatapos ay patawarik na niloblob ito sa tubig, at ipinakulong pa ni Barabas ang pobre.

Nakarating sa aswas ng mangingisda na isang magdadaing ang balitang pagpaparusa at pagpapakulong. Dali dali itong nagpunta. Kahit alam niyang natutulog pa ang Sultan ay pinuntahan niya at kinatok an gang tirahan ng pinuno.

Galit na Galit na nagising ang Sultan. Itinanong ng mayabang na pinuno kung sino siya. Sinabi ng kumakatok na magdadaing ang aswa ng mangingisda at naroon siya upang ipakiusap na pakawalan na ang ikinulong. Nagkibit balikat lang ang gahaman. Nang malaman ng Sultan na ekspertong magdadaing ang nagmamakaawa ay nakaisip ng paraan ang tuso. Lalo itong naggalit-galitan. Ipinatawag niya ang mga kawal at ipinakagat sa mga langgam ang kaawa awng magdadaing bago ito ipinakulong sa piitan. Kahit nakakulong ay natutuwa ang mag-asawa sapagkat sia ay muling nagkita. Upang maging produktibong alipin ng Sultan, ang bawat isdang mahuhuli ng mangingisda ay pinasusukaan agad sa magdadaing.

Bagamat maligaya ang mag-asawa na kahit mga alipin ay magkasama, sumasagi rin sa kanila ang kalungkutan kapag naaalala nila ang tagging anak na naiwan sa kailang tahanan.

Hindi alam ng mag-asawa na habang wala sila sa tirahan may mga ada naming nagbabantay sa kaisa-isa nilang mahal sa buahay na kahiy totoy na totoy pa sa kamusmusan ay marunong na ring manindigan.

"Saan po ba naroon ang tatay at nanay ko?"

"Nasa kaharian sila ni Sultan Barabas. Pinaparusahan sila at ipinakulong sa mga kasalang hindi nila dapat pagdusahan."

"Tulungan po ninyo ako. Gusto ko po sila makawala sa kulungan."

Nang makita ng ada na lumuluha ang kaisa -isang anak ng mangingisda at magdadaing ay naawa sila.Nang gabi ring iyon ay inilawan nila ang daan ng inosenteng bata papunta sa kaharian.

Ang mahimbing na pagtulog ng Sultan ay lubhang nagambala ng malakas na katok ng bata sa pintuan ng kaharian.

"Sino ka at ganitong oras ng gabi ay kumakatok ka sa palasyo ko?"

"Gutom na gutom na ako. Hihingi ako ng pagkain sa mesang kainan mo."

"At bakit sa akin ka hihingi ng pagkain mo?" nagaalborotong tanong ng Sultan.

"Pinasisid mo sa dagat ang ama kong mangingisda. Ang ina ko naman ay pinagdadaing mo. Sila ang dahilan kaya marangyang-marangya ang iyong mesang kainan."

"Lintik na bata ka!" nanginginig sag alit na sigaw ng Sultan." Ano ang karapatan mong himingi ng anuman sa aking mesa?"

"Hindi ikaw ang nagpagod upang mangisda atmagdaing. Mga magulang ko ang iyong inalipin. Sa anumang kanilang itinanim, sila lang ang dapat na may anihin.?"

"Aba napakaliit mong bata ka, akala mo kung sino ka. Hindi mo ba alam na Sultan akong dapat mong igalang?" nangangalog ang babang sigaw ng gahaman.

Napansin ng bata ang makinang na koronang naiwan ng Sultan sa higaan. Tinakbo niya ito at isinuot at nag-iinsultong nagwika, " Ang korona ay ipinapatong lang sa ulo ng lider na mabuti sa tao. Msama ka ipinakulong mo ang ama at ina ko. Ngayon ako naman ang habulin mo at ipakulong mo, "nangiinis na nagtatakbo sa loob ng palasyo ang bata.

Sa sobrang galit ng Sultan ay hinabol niya ng hinabol ang musmos.Hindi maabut abutan ang sukab ang inosenteng bata sapagkat inililipad ito ng mga ada. Nakarating ang habulan sa malawak na harding kinatataniman ng maraming punongkahoy. Sa sobrang pagod ay sumakit ang dibdib ng Sultan na ikinatumaba niya. Noon din ay namatay ang Sultang walang pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng katarungan.

Sa lugar na kinatumbahan inilibing ang Sultan.

Ang kamatayan ng ganid na dapat sana'y ipinagluksa ay ikinatuwa pa ng marami.

Ang humaliling Sultan ay kakaiba sa namatay. Tinitimbang niyang mabuti ang bawat paratang sa sinumang nagkakasala. Hindi rin siya padalos-dalos sa pagpapataw ng parusa. Sinisikap niyang magbigay ng isang makatarungang pagpapasya sa kaso ng sinumang nasasakupan niya mahirap man o mayaman. Para sa kanya ang lahat ay pantay-pantay sa napipiringang katarungan.

Sapagkat totoong makatarunagan, pinalaya at tinulungan ng bagong Sultang makapamuhay nang matiwasay ang mangingisda at magdadaing. Binigyan niya ng krapatan ang inosenteng bata na malayang makapupunta sa hardin upang mamitas ng anumang prutas na kanyang piliin. Ipinagdiwang ng lahat ang panunungkulan ng makatarungang Sultan.

Isang araw na naglilibot ng hardin ng palasyo ang bagong Sultan ay nakatawag ng pansin niya ang isang halamang tumubo sa pinaglibingan kay Barabas. Pinadiligan niya oito sa mga hardinero at pinaalagaan araw-araw.

Ilang taon din ang nakaraan at nagging malaking puno ang halaman. Nagtataka ang Sultan nang mamunga ang puno sapagkat mukha itong ulo ng tao na may korona at tuktok.

"Si Barabas yan!"sigaw ng mga tao. Nang tikman nila ang bunga ay nagulat sila.

"Pagkapait-pait! Kasimpait ng ugali ni Barabas!"

Ilang araw lang ng lumipas ay lumaki ang mga bunga ng berdeng prutas. Nang kagatin ng bata ay napangiwi sila.

"Pagkaasi-asim! Kasing asim ng mukha ni Barabas!"

Hindi nagtagal, ang mga berdeng bunga ay dumilaw at huminog na Napangiti ang lahat ng pitasin ang bunga at kagatin.

"Pagkatamis-tamis! Pagkasarap-sarap ng Barabas!"

Magmula noon, tinawag ng Barabas ang berdeng prutas na may nakapatong na korona. Minsang nanungkit ng berdeng prutas ang ilang paslit na bata at tanungin ng mga nakatatanda kung ano ang tawag sa nabanggit na bunga ay sabay-sabay silang nagsisagot na, "Barabas, Barabas, Bayabas!"

Alamat ng Aso

Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang mag-anak ang tahimik at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.

Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sakanyang pamilya. Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang pagkain.

Samantalang ang ina naman; si Magda siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at dalawang anak na sna Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sapagdating ni Roque mula sa mga pusang gubat nang ito ay maligaw. Inaalagaan nito ang pamilya.

At sa paaglipas ng panahon, nagging malakas na ang lalaki na nakilala nilang Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya nabantayan ang taniman nito ng ubaaas, nagging dahilan upang manakaw ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas, naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming alamid.

Naawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito. Itinurig nila iting kapamilya at nakatulong pa si Roque sa pang-araw-araw na pahahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihil na pagkagusto sina Magda at Damaso sa isa't isa.

At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda na tumakas at mamuhay sa ibang lugar.

Nag-iyakan ang dalawang bataang sina Maria at Jose.

"Ina, huwag mo po kaming iwan!" ang iyak ni Maria.

"Oo nga po! Mang Damaso, huwag n'yong kunin an gaming ina!" ang iyak ni Jose.

Ngunit hindi naapigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa ri sila ng bangka at umalis na kasabay na agos no ilog.

Lalong nag-iyakan ang dalawang bata. Nais sanang magbago ng isip si Magda, ngunit nanaig ang kanyang pagkagusto kay Damaso.

Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sina Maria at Jose upang humabol.

Napatayo si Magda sa bangka, dahil alam niyang hing marunong lumangoy ang dalawang bata.

Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga anak. Ngunit lumakas ang agos ng ilog, at napailalim sat big ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso ang pangyayari. At sising-sisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa't hindi na nila nakitang pumaimbabaw sa tubig ang mag-aama.

Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

"Masahol pa kayo sa mga hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop," ang wika ng babaeng diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at Damaso.Ang kanilang katawan ay napuno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at nagkapangil, bagkus ay ungol at kaktwang ingay ang lumalabas sa kanilang bibig.

"Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga't ikaw Damaso, ay hindi natutong tumanaw ng utang na loob sa tong nagpapala sa iyo. At ikaw Magda, hangga't hindi mo naipapakita ang tunay mong pagmamahal sa iyong mga magiging aaanak," at nawala na ang diwata pagkawika niyon.

Ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig.

At sa pagdami ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tahanan.

At hanggang ngayon nga ay pinatutunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat sa kanilang mga amo.

Binabantayan nila ang mga bahay ng kanilang amo at ipinagtatanggol ang mga ito samga kaaway, upang patunayan na tumatanaw sila ng utang na loob, sapagkat umaasa pa rin silang mawawala ang sumpa ng diwata.

Ang mga inahing asonaman ay labis na binabantayan ang kanilang mga tuta, upang sa ganun ay papatunayan ding marunong na silang magmahal sa kanilang mga anak.

Kaya't maging maingat tayong makasakit ng iban tao, lalo na ang nagpapala o tumutulong sa atin, sapagkat may kaparusahan sa mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob na tulad ni Damaso, at ganun din sa mga taong hndi marunon magmahal na tulad ni Magda.

Alamat ng Alagaw

Noong ika-labinlimang dantaon, humigit kumulang, ang Lumang Taal ay isang masaganang balangay sa talpukan ng alon ng Lawang Bunbon na sakop ni Raha Matapang. Ang Batangan tulad ngayon ay di pa lalawigan natatatag kundi pulu-pulutong na mga balangay sa ilalim ng kapangyarihan ng iba't ibang raha at lakan. Noong panahong iyon ay kaylimit ng mga Moro ang baybay-dagat ng Balayan pati ng Ilog Pansipit. Dahil dito'y nagtakip ang mga munting balangay upang magdamayan at isailalim ang pangangasiwa ng ng lalong matapang at makapangyarihang lakan. Ang Taal ang pinakamatibay na moog laban sa Kamorohan.

Minsan, si Raha Matapang, bantog na mandaragat ay nagpadala ng mga kawal upang sagupain ang mga Moro sa larangan ng digma sa baybayin ng Mindoro. Ito'y kanyang isinagawa upang ang kanyang kaharian ay malayo sa anumang kapinsalaan ng digma. Napabilang sa mga kawal ang binatang si Marahas na uliran sa bait at sigla. Bago lisanin ni Marahas ang kasintahang si Mutyang Marikit ay nagbilin ng ganito,: "Minamahal kong Marikit sa pag-alis ko ay dala ko ang kabuhayan at kamatayan. Ang utos ng ating Matanda aydi maaaring suwayin. Ikaw ang unang-unang pupula sa akin kung tatalikdan ko ang tungkuling inatas ating balangay."

"Oo, lilisan kang baon ang aking pagmamahal."

Si Marahas nagpatuloy: "Iiwan ko sa iyong kandili at pag-aruga ang isang halamang ituring mo na ring ako- ang aking sarili. Kung ako'y masawi ito'y malalanta. Kaya siya'y diligan mo at paka-ingatan. Ang luha mo lamang ang tanging lunas."

Naghiwalay sila.

Nalagas ang mga araw sa tangkay ng panahon. Walang balitang galling kay marahas. Patuloy rin ang pagmamalasakit ni Marikit sa halamanginiwan sa kanya ng kanyang giliw. Pinagyaman niya ang nasabing halaman sapagka't ito lamang ang naiwang tanging sanla ng irog at taga-pagpaalala ng kanyang katapatan.

Isang araw ,ang halaman ay nalanta. Nagsadya siya sa palasyo ni Raha Matapang upang makibalita tungkol kay Marahas. Ang mga kawal na nagbalik mula sa digmaaan ay nagpatunay na si Marahas ay nasawi, nguni't nagsawing taglay ang karangalan pagka't sila'y nagtagumpay naman.

Umuwi si Marikit na ang puso ay halos mawalat sa kapighatian. Ang tanging aliw lamang sa kanyang sarili ay ang pangyayaring ang kanyang mahal ay namatay sa ngalan ng kabayanihan.

Gabi't araw ay dinidilig niya ang mga halaman ng patak ng luha. Sa kanyang matamang pag-aalaga ay muling umusbong, lumago ang mga dahong masisinsin, at namumulaklak.

Si Marikit ay naging masasakitin. Subali't ang bawat karamdama'y may lunas. Kung siya'y dadalawin ng sakit ng ulo, nglagnat, may sipon at nag-uubo ang mga dahon g halaman at ng mga bulaklak nito ay kanyang inilalaga. Matapos magpunas sa pinakulong tubig siya'y gagaling agad. Kung sumasakit ang kanyang tiyan,iinom ng tubig na pinangalagaan ng halaman. Natambad sa ka alaman ng madla ang idinudulot nito. Nagsigaya ang mga kapitbahay ni Marikit hangga't ang buong balangay, di lamang ang buong Batangan kundi ang Katagalugan ay natutong uminom ng alagaw.

Subali't bakit tinawag na alagaw ang halaman? Si Marikit ang nagbigay ng ngalan...

Alamat ng Butiki

Noong araw, sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.

Ang ina; si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.

Ang anak; si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.

Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa, natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.

Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.

Si Aling Rosa an nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.

Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.

Si Helena ay lubhang kaaki-akit, kung kaya't agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.

"O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon," ang wika ni Aling Rosa sa anak.

"Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat," ang pagsisinungaling ni Juan.

Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.

"Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita."

"Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko," ang pagsusumamo ni Juan.

"Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!" ang matigas na wika ni Helena.

Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi

Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.

"Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina," ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.

"Dios ko po, Inay! Patawarin n'yo ako!" ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.

Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.

Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.

Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.

Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba't ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.

Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.

Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.

At haggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.

Alamat ng Banahaw

Nang ang malaking Bundok sa gitna ng pulong Luzon ay hindi pa kilala sa pangalang Banahaw, gayon din ang tahanang natatayo sa paanan at liblib, ay marami nang pook ang pinaninirahan ng mga tao. Lubha pa yaong mga lunsod na malapit sa ilog.

Sa maraming mag-aanak na doo'y ay kabilang ang mag-asawa ng Lukban at Bayabas. Iisang anak nilang lalaki, si Limbas, ang namumukod sa lakas, sa tapang at sa bilis. Sa kanyang panudla ay bihirang usa, baboy-damo, unggoy, at malaking ibon ay nakaliligtas. Kaya't hindi nagluwat, sa paligid-ligid, ng malaking bundok ay natanyag ang pangalang Limbis. Siya ang nagging hantungan ng paghanga ng lahat. Sa malayong pook ay dumating ang kabayanihan ni Limbas.

Isang araw ay nawala si Limbas at gayon na lamang ang panimdim ng mag-asawa. Hindi sila makakain at nmakatulog sa hindi pagdating ng kanilang anak Makalipas ang pitong araw ng pagkabalisa ay muling nagbalik si Limbas. Dala niya ang isang balutan na sari-saring damit at pagkain. Sa buhay ng mag-asawa ay hindi pa sila nakakalasap at nakakatikim ng gayong nag-iinamang damit at nagsasarapang pagkain. Pakinggan natin ang balita ni Limbas.

"Isang maginoong balbasin ang nagpakilala sa kanya na isang 'encantado'. Sa maharlikang tahanan nito sa tugatok ng bundok ay doon isinama si Limbas. Doon, ang lahat ng hayop ay puti ng balahibo, di lamang ang mga manok pati ang mga usa. Ang kakawan ay napakalawak at humihitik sa mga bunga. May sasakyang hinihila ang dalawang kabayong puti, na siyang ginagamit sa paglalakbay sa buong Luzon. At sumama lamang ako at pag-uwi ng bahay ay hindi mawawala ang dulot."

Yaong balutan ng damit at pagkain na pasalubong ni Limbas sa kanyang mga magulang ay unang dulot ng maginoo. Nguni't ang bilin nito bago iabot ang dulot ay dapat munang humalik si Limbas sa kanyang mga magulang. Anupa't ang hindi paghalik sa kamay ay makakapagpabago sa dalang dulot. Hindi miminsanang nawala si Limbas ng pituhang araw at hindi rin sa kanyang pagbalik ay sari-saring kasuotan at pagkainang dala ang nakasisiya sa kanyang mga magulang.

Minsang pagbalik ng bahay ni Limbas ay isang balutan ng maliit na bolang ginto ang padala ng ginoo. At sa tuwa ni Limbas ay nakalimutan humalik muna ng kamay sa kanyang mga magulang, at kara-karakang binuksan ang ballot at sinabing, "Narito po ang ating kayamanan mga bolang ginto!"

Subali't ng buksan ang balutan ay hindi ginto abg lumabas kundi mga bunga ng Anahaw.

Kaya't sa pagkagulat ay napasigaw si Limbas: Ba! Anahaw! Ba! Anahaw! Ba! Anahaw!"

At buhat noon ay tinawag na Banahaw ang malaking bundok na yaon sa gitna ng Luzon. Gayon din, ang bayan ng Lukban at Tayabas ay nagsimula sa pangalang Bayabas at Lukban, na mga magulang ni Limbas.
 
Support : Your Link | Your Link | Your Link
Copyright © 2013. Pinoy Blogger Express - All Rights Reserved
Template Created by Creating Website Published by Mas Template
Proudly powered by Blogger