Home » » Sa Mga Bulaklak Ng Heidelberg

Sa Mga Bulaklak Ng Heidelberg

Tula ni Jose Rizal

Pumaroon kayo sa mutya kong bayang pinakamamahal,
O mga bulaklak na hasik sa landas niyong manlalakbay,
At doon, sa silong ng maaliwalas na langit na bughaw,
Sa mga mahal ko'y di nagpapabaya't laging nagbabantay,
Inyong ibalita itong pananalig na sa puso'y taglay
Ng abang lagalag na di lumilimot sa nilisang bayan.

Pumaroon kayo, inyong ibalitang madilim-dilim pa,
Kung kayo, sa bati ng bukang-liwayway, ay bumubukad na,
Sa pampang ng Neckar na lubhang malamig ay naroon siya,
At sa inyong tabi'y inyong namamasid na parang estatuwa,
Ang Tagsibol doong hindi nagbabago'y binubulay niya.

Inyong ibalitang kung sinisingil na ng bukang-liwayway
Ang buwis na bango ng inyong talulot pag ngiti ng araw,
Habang bumubulong ang bagong umagang halik ang kasabay
Ng "Kung inyo lamang nababatid sana yaring pagmamahal!"
Siya'y may bulong ding inaawit-awit sa katahimikan,
Kundiman ng puso na sa kanyang wika'y inyong napakinggan.

At kung sa taluktok niyong Koenigsthul ay humahalik na
Ang mapulang labi ng anak ng araw sa pag-uumaga,
At ang mga lambak, gubat at kahuya'y binubusog niya
Sa daloy ng buhay na dulot ng sinag na malahininga,
Yaong manlalakbay ay bumabati ring puspos ng ligaya
Sa araw, na doon sa sariling baya'y laging nagbabaga.

At ibalita rin na nang minsang siya'y naglalakad-lakad
Sa pampang ng Neckar ay pinupol kayo sa gilid ng landas,
Doon sa ang tanod ay ang mga guhong bakas ng lumipas,
Na nalililiman ng maraming punong doo'y naggugubat.

Ibalita ninyo kung paanong kayo'y marahang pinupol,
Pinakaingatang huwag masisira ang sariwang dahon,
At sa kanyang aklat ay ipinaloob at doon kinuyom,
Aklat ay luma na, datapuwa't kayo'y naroon pa ngayon.

Hatdan, hatdan ninyo, O pinakatanging bulaklak ng Rin,
Hatdan ng pag-ibig ang lahat ng aking nga ginigiliw,
Sa bayan kong sinta ay kapayapaan ang tapat kong hiling,
Sa kababaihan ay binhi ng tapang ang inyong itanim;
Pagsadyain ninyo, O mga bulaklak, at inyong batiin
Ang mga mahal kong sa tahanang banal ay kasama namin.

At pagsapit ninyo sa dalampasigan ng bayan kong irog,
Bawa't halik sanang idinarampi ko sa inyong talulot
Ay inyong isakay sa pakpak ng hanging doo'y lumilibot,
Upang sa lahat nang iginagalang ko't sinisitang lubos
Nawa'y makasapit ang halik ng aking pag-ibig na taos.

Maaaring doo'y makarating kayong taglay pa ang kulay,
Subali't ang bango'y wala na marahil at kusang pumanaw,
Wala na ang samyong sa talulot ninyo'y iningatang yaman,
Pagka't malayo na sa lupang sa inyo'y nagbigay ng buhay;
Iwing halimuyak ang inyong kaluluwa, at di malilisan
Ni malilimot pa ang langit na saksi nang kayo'y isilang.

0 comments:

Post a Comment

 
Support : Your Link | Your Link | Your Link
Copyright © 2013. Pinoy Blogger Express - All Rights Reserved
Template Created by Creating Website Published by Mas Template
Proudly powered by Blogger